Diploma.
Kung tititigan mo ang diploma eh papel lang naman yan na may dry seal at nagsasabing grumaduate ka. Simple lang siya kaya nga madaling dayain sa Recto, di ba? Pero yang kakarampot na papel na yan eh hinahanap sa trabaho dahil nga yan yung katunayan na may pinag-aralan ka at may pinagdaanan ka. Specialty ba. Parang sa giyera na pag sinabing galing ka sa Sparta eh ang astig mo sumigaw ng "Ahoo! Ahoo! Ahoo!" at kaya mo'ng gumawa ng pader yari sa mga taong binugbog mo.
Pesteng diploma.
Nalimutan ko na yung feeling ng approaching graduation. Siguro dahil madami akong problema na para ba'ng magiging dahilan ng hindi ko paggraduate kaya hindi ko maappreciate ang pagdating ng March. Normally, ito na yung super dami ng paghihirap dahil malapit na ang bakasyong super haba ng pahinga. Sa kaso ko eh parang puro hirap pa din ang pakiramdam ng katawan ko para maging matatag pa sa mas mga malulupit na problemang sasagupa sa buhay ko. Paminsan masakit sa ulo na kasi ewan ko. Parang ang dami ko'ng buhat. Ang dami ko'ng kailangang isipin.
Parang isang daang taon na ko'ng nasa college.
Nung grumaduate ako ng high school, binalak ko'ng mag-Fine Arts dahil mahilig talaga ako sa drawing. Mahilig talaga ako sa art. Mahilig ako mag-express ng sarili ko mula sa pananalita, pagmumura, pananamit hanggang sa cover ng notebook ko na malayo pa lang eh dapat alam mo ng akin yun. Balak ko sanang pumasok sa isang animation company. Balak ko'ng magdesign ng ganito-ganyan. Pero dahil mahirap ang buhay ng mga artist na hindi mayayaman sa mundo eh medyo hindi ako inencourage ng buong angkan ko (hindi pamilya, ha...! ANGKAN!) na mag-FA. Mamamatay daw ako'ng dilat sa gutom du'n. Kaya ayun, CoE ang kinuha ko. Computer Engineering. Mahilig naman din kasi ako sa computer. Akalain ko ba namang College of EMPYERNO pala yun. Hindi ko alam ang pinasok ko. Yung graduation nu'n para sa 'kin eh hindi achievement. Escape siya. Escape. Gusto ko'ng umalis sa araw-araw ko'ng pagbangon sa umaga para kaladkarin ang sarili ko'ng pumasok sa sementadong gubat ko'ng unibersidad kung saan ako nag-aaral ng kursong hindi ko malaman kung bakit hindi na lang tinawag na BS Advanced Math And Circuits Minor In Programming. All of a sudden, narealize ko na pwede naman palang tumakas na hindi gumagraduate. Pwede ka na lang mag-drop. Mas madaling i-spell ang drop kesa sa graduation.
Nakatakas man ako sa Math, hindi naman ako nakatakas sa mapanutya at mapanuring mata ng mga tao at makakating dila ng mga tsismoso't tsismosa. Hindi naman nila alam ang kwento ng pagtigil ko sa pag-aaral kaya siyempre ako ay nahanay na sa mga delingkwente. Hindi mo din naman sila masisi kasi nga nung bata ako, nag-eexcel naman ako. Ba't nga ba ganun? Iisa ako'ng anak at ang daming expectations ng mga tao sa kin. Hindi na ko magpapaliwanag. Nakakasawa kasi.
"What happened to you?" ang tanong ng mga socialites na ayaw umamin na hanggang Cubao ang dila sa sobrang tsismoso't tsismosa.
"Ano ba nangyari't nagkaganyan ka?" ang tanong ng mga usisero't usiserang nagpapanggap na concerned.
Para ako'ng nagmetamorphosis pero imbes na butterfly eh moth ang lumabas mula sa isang maputing cocoon. Bigla ako'ng naging parang drug addict sa paningin ng madami. Sinisi ang pagcocomputer ko. Aminado naman ako'ng na-adik ako dun pero I had my reasons. Ikaw ngang pumasok araw-araw na hindi mo man lang madama ang balak mo after graduation. Parang nakikita ko pa rin yung pangarap ko kung nag-Fine Arts sana ako kaya lang ibang daan na yung nilalakaran ko tapos yung tinatanaw ko eh nasa kabilang bakod. Gusto ko'ng pumunta dun kaya lang hindi ako pwedeng tumawid ng bakod. Sa computer games, pwede ako'ng maging ibang tao sa isang mundo na peke man eh may silbi naman. Unti-unti ako'ng natigil sa pagdo-drowing na dati eh buhay ko. Isang araw, narealize ko na para na pala akong nawalan ng isang braso.
Makalipas ang isa o dalawang taon, nakilala ko ang Information Technology. Sabi nila nung nasa university pa ko, sa IT daw bumabagsak ang mga hindi kinakayang mag Computer Engineering. Sa kaso ko, parang ganon nga ang nangyari. Two years lang ang kinuha ko'ng course para pag nabuwang na naman ako sa kalagitnaan ng pag-aaral eh hindi masyadong malaki ang pagtityagaan para makatapos. Makalipas ang dalawang taon, tapos na ko ng Diploma in Information Technology... sana.
Ayos din naman ang IT. Madaming computer. Wala masyadong math. Ayos. Pero sa pagkakataong 'to, hindi ko masyadong naexperience yung course. Ang naexperience ko eh yung mga tao. Society ika nga.
After being such a failure, all of a sudden, parang bigla ako'ng nagexcel. All of a sudden, nakita at naranasan ko ang inggit, judgementality at crab mentality. Grabe. Ang weird. Yung school ko na 'to na dating mahal na mahal na mahal ko dahil naging masaya ako eh all of a sudden parang nagmukhang kweba dahil sa ilang tao sa loob nu'n. Sabi sa kin ng isang prof ko dapat inaasikaso ko daw ang kailangan ko'ng gawin hind yung ginagawaan ko. Totoo naman yun pero may times na hindi mo maiiwasan na maapektuhan ka ng mga nangyayari. Ang weird kasi pag may mga taong pointless kung umaksyon ng tungkol sa'yo. Maniwala man kayo o hindi eh may kakilala ako'ng favorite na favorite topic na pag-usapan, libakin at siraan ang isang kaklase niyang wala namang kinalaman sa kanya.
Popularity has its price. Madaming nagbabayad ng kung anu-ano para sa popularity. Meron ngang ibang naging nearly popular lang eh parang naging mga alien na. May mga nagsakripisyo ng pagkakaibigan dahil sa mga pagbabagong di mo malaman kung bunga ng o nagbunga sa kagustuhang maging popular o sikat. At siyempre may mga trying hard. Meron ding mga walang utang na loob.
Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan, BALIIN ANG LEEG.
Diploma. Pesteng diploma.
Nakakabanas isipin na ang lahat ng pagod at hirap mo hindi lang sa mga subject mo kundi pati sa mga tao sa paligid mo eh papel lang ang katumbas. Nakakabanas na parang hindi ko pa din madama na parang "ayan na yung diploma".
Toga. Grad pics. Graduation march.
Sampagita. Medalya. Awards.
Hirap. Pagod. Pawis.
Anak ng kagang. Kaya siguro parang mali sabihing "Paabot nga ng diploma".
Saturday, February 27, 2010
Paabot Ng Diploma
Posted by Xairylle on 8:25 PM
Labels: critical, experiences, opinion, rambling, school, tagalog, xairylle
blog comments powered by Disqus































