Talangka : A True Story

on 8:30 PM

Medyo corny saka medyo weird. Medyo kakaiba. Medyo mokong. True story. Bato-bato sa langit, ang tamaan mukhang singit. Lawl!

TALANGKA : A TRUE STORY

Minsan sa isang palengke ay may isang timba na puno ng talangka at gaya ng alam ng madami sa 'tin tungkol sa mga talangka eh wala silang ginawa kundi maghilahan. Ewan ko din kung nasan ang utak ng talangka pero pag kinakain ko sila, hindi ko naman nakikita ang utak nila kahit bulatlatin ko ang katawan nila. Kaya siguro hindi nila naiisip na walang saysay ang paghihilahan nila para makaakyat kasi wala talagang sense. Palagay ko yun din ang nasa isip ng isa sa mga talangka na nasa timba. Kakaiba ang itsura niya. Mas malaki siya kesa sa ibang mga talangka at parang iba din ang itsura. Pero may sipit din siya kaya kinilala na lang din siya ng iba bilang isang "talangka". Masyado kasi silang busy sa pakikipaghilahan sa ibang talangka para isipin pa kung sino o ano ba ang nasa paligid nila.

"Anong ginagawa niyo?" sabi ng kakaibang talangka na tatawagin nating Nia.

"Eh ano ba sa palagay mo?" sabi nung isa pa'ng talangka sa kanya, "Eh di tumatakas!"

Tumatakas pala ang Tagalog sa wrestling?? Para kasing ganun ang itsura. Nagdadaganan lang naman sila. Feeling sumo wrestler.

"Malalaki't mahahaba ang mga sipit mo." sabi nung isang talangka kay Nia, "Mabuti pa tulungan mo ko'ng maghila ng iba para makatakas tayong dalawa."

Tumingala si Nia.

"Pero ang taas ng timba. Kahit tumuntong ka sa likod ko, walang mangyayari..."
"Basta maniwala ka sa kin, friend!!" sabi ng kausap niyang talangka. Friend? Hindi pa nakaka-sagot ng oo si Nia eh tumalon na ito sa likod niya at pilit na nakipaghilahan sa iba. Sige na nga. Friends naman daw sila eh.

"Uy! Ang laki ng talangka na yun oh!" sabi ng iba pang talangka.

Hala, hala! Tumuntong na lahat sa likod ni Nia para makarating sa itaaas. Ang hirap naman ng ganitong klaseng friendship! Mas marami pa atang sacrifices kesa sa boyfriend-girlfriend relationship. Kailangan mo magsacrifice ng time, effort, understanding at katatagan ng backbone... Wala palang backbone ang mga talangka. Narealize ni Nia na masakit pala matapakan. Nakakabadtrip.

"Aray!" ang palahaw ni Nia na parang tunong ng umiingit na pinto, "Mata ko na ata yang natatapakan niyo!"

Walang saysay kahit ang kapal ng balat niya kasi pag ang daming nakasakay, makukuba ka kahit wala kang osteoporosis at kung talangka ka eh magkakaosteoporosis ka kahit wala kang spine. So naisip ni Nia... "Bakit pa?"

At yun, unti-unti siyang umalis mula sa ilalim.

"Hoy! San ka pupunta!?" sabi ng isang talangka sa kanya.
"Ayoko kasi makipaghilahan..." sabi ni Nia na parang siya pa ata ang nahiya.
"At bakit, ha!? Dahil special ka, ha?! Dahil ba astig ka?! Ano yan, ha!?" sabi nung isa pang talangka na kung magsalita eh parang boombox na may sipit, "Feeling mo ikaw ang magaling, ha!? Ano kala mo, maganda ka, ha!? Hoooooooooooy, talangka ka lang!"
"Eh pare-pareho lang naman tayong mga talangka dito ah..." sabi ni Nia.
"Alam mo pala eh ba't ka umaattitude diyan?!?"

Umaano daw? Madami pang sinasabi yung malaking talangka na yun kaya lang parang ayaw na ni Nia makinig. Para kasing kung yun ang huling boses na maririnig mo bago ka ibenta sa palengke eh parang nakakabitter naman ata. Parang kahit sa gitna ng angel's choir in heaven eh maririnig mo yung bunganga niya. So ayun nga... Tahimik na lang  na umalis si Nia sa mga nagkakagulong talangka. Hindi naman niya kasi pinangarap maging doormat. Pumunta siya sa kabilang side ng timba saka siya tumingala. Ang taas ng timba. Pano siya tatakas?

Ang hirap naman maging talangka.

"Oy!" sabi ng boses ng tindera. Kausap ata niya yung kasama niya, "Kunin mo na yung mga talangka nang maibenta na natin!"

Hala! Talangka daw! Sila yun ah! Ibebenta na sila!! At balita daw ni Nia eh pag binebenta daw ang mga talangka eh niluluto daw sila. Hinihimay at ginugutay. Pagkatapos kakainin ng mga tao. Nakakatakot naman! Sa sobrang takot ni Nia eh Panatang Makabayan na ang dinadasal niya. Nakita niya ang mukha ng isang tao na nakasilip sa timba na parang sinusuri sila. Napatingin kay Nia yung tao kaya lalo siyang nataranta sa pagdadasal niya ng Panatang Makabayan.

"Nanay!" sigaw nung tao habang nakatingin pa rin sa timba at nakaturo kay Nia, "Talangka ba 'to!?"

"Ayaaaaaaaaaaaaaan!" sigaw nung maingay na talangka kay Nia, "Akala mo kung sino ka, reject ka naman pala!"

Sa sobrang takot ni Nia, hindi na siya nakaiyak. Sumilip na ngayon ang tindera saka tiningnan si Nia.

"Ay, naku! Hindi nga talangka yan!" sabi ng ale na parang natuwa pa ata, "Ulang yan, anak!?"

"HALAAAAAAAAAAAAAAAAA!!" sigaw ulit nung maingay na talangka kay Nia, "Hindi ka naman pala talangka!! Lagooooooooooot!!"

"Ulang?" sabi nung batang lalaki sa nanay niyang tindera, "Yung ginagawang baga pag nagluluto?"
"ULANG hindi uling! Lobster! Mahal yan, ah! Pano nahalo yan diyan!?" sabi ulit ng ale, "Hala, kunin mo yang ulang na yan, anak!"

K-k-k-k-k-k-k-k-kuniiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiin!? Kung alam lang ni Nia kung pano sumigaw ng "Wag po, kuya! Wag po!" sa wikang pang-tao eh kanina niya pa ginawa kaya lang hindi din niya alam kung asan ang bibig niya.

"Lulutuin natin 'nay?" sabi ng bata.
"Naku hindi ah! Aalagaan natin dahil swerte daw yan lalo na pag tinabi mo yung pagpapalit niya ng balat."
"Eh yung mga talangka?" tanong ng bata habang kinukuha si Nia.
"Ibebenta nga natin sa palengke!! Sinong tanga ba ang mag-aalaga ng talangka!? Itong batang 'to, oh!"

----

Hindi ko din alam kung ano ang ginagawa ng isang lobster sa gitna ng pulutong ng mga talangka pero totoong may ganun paminsan. Kaya pag nakakita kayo ng lobster, alagaan niyo. Swerte daw yun. At pag may mga buhay kayong talangka sa timba eh wag na kayong mag-alala... Hindi makakatakas ang mga yan.
blog comments powered by Disqus