Sa tatlong course na yan umiikot ang matatapos ng mahigit-kumulang 200 estudyante sa eskwelahan ko ngayong taon. Siyempre kasama na ko dun. Sa 200 graduates na yun, merong ilan na nag-excel, ilang average at merong din namang hipan mo na lang ang status eh hindi na gagraduate. Napakaimportante ng paggraduate. Super dama mo na isa na tong bagong yugto sa buhay mo. Tapos na ang buhay mo bilang isang estudyante (maliban na lang kung two years ang course mo tapos tutuloy ka ng four years o talagang mag-aaral ka ulit). Pero kung hindi ka na estudyante, ano ka na ngayon?
1. Employed
Employed o may trabaho. Yan ang unang target ng mga estudyante dahil yun naman talaga ang kadalasang purpose nila kung bakit sila nag-aral -- ang makakuha ng trabaho. Madaming dahilan kung bakit gustong kumuha ng trabaho ng isang fresh graduate. Yung iba, gusto ng independence. Yung iba, gustong tumulong sa pamilya. Yung iba, kailangang magbayad ng utang na loob. Yung iba naman, nabandwagon lang. Trabaho lang ng trabaho dahil yun ang hinihingi ng buhay mula sa yo. Walang masama sa pagiging employed (maliban na lang kung nasa linya ng drug dealing ang employer mo). Mainam nga yun. Pero sana, wag i-take for granted kung ano man yung magiging trabaho mo. Hindi naman kasi sa pagkita ng pera nagsisimula ang fulfillment ng isang tao sa trabaho niya. Kahit gano kalaki ang kita mo, kung hindi ka masaya, lagi yang kulang. Pero hindi ko sinasabing wag kang magtrabaho kung ayaw (note: tinatamad) ka. Mas mali naman ata yun.
2. Back-To-School
Aral ulit. Maaaring panibagong course. Maaaring pagtuloy papunta sa isang degree. Maaaring masteral. May mga estudyanteng nag-aaral ulit pero hindi lahat sila pare-pareho ng dahilan. Merong ibang kailangan yun para makapag-abroad. Merong ibang hindi nasayahan sa unang course na tinapos lang niya para hindi sayang ang pera at panahon tapos kukuha na lang siya ulit ng ibang course. Meron namang nagtutuloy para sa pag-asenso sa buhay nila sa hinaharap (ex. yung 2 year course pwedeng maging degree pag nag-4 years ka kaya madaling makakuha ng trabaho o promotion). At siyempre, meron ding ibang ayaw lang talagang matapos ang pagiging estudyante. Masaya nga naman kapag may baon.
3. Balik Sa Magulang
Ito yung mga pinag-aral lang ng college tapos mamanahin na nila yung negosyo ng magulang nila. Dun na sila tutulong at yun na ang ikabubuhay nila. Kung gusto naman nila ang ganung gawain eh walang problema. Mainam nga yun. Kaya lang, pano kung hindi? Isa 'to sa mga pagkakamaling nagagawa ng ilang magulang. Lahat naman ng magulang gustong mapabuti yung anak nila kaya naman minsan, hindi na nakakapag-grow yung anak nila dahil dun. Pagtuntong palang nila ng kolehiyo eh maaaring masarhan yung mga oportunidad na bubukas pa lang para sa kanila. Planado na ang gagawin nila. College, tulong sa negosyo, manage ng negosyo and it's all set. Inuulit ko, WALANG MALI DUN KUNG GUSTO DIN NG BATA. Kaya lang pano yung mga gustong maging arkitektong pipilitin niyong mag-manage ng bakery? Yung mga gustong mag-nurse na pipilitin niyong mag-manage ng farm? Yung mga gustong mag-engineer na pipilitin niyong mag-manage ng ospital? Malaking usapin ang bagay na 'to at palagay ko kulang ang space na ito sa blogpost na to para maipaliwanag ang lahat. Pero it all boils down to one thing : Panindigan mo ang gagawin mo kung sigurado ka'ng kaya mo at dun ka magiging masaya.
4. Certified Tambay
Ang super common na resulta ng nagtatrabaho. Yung dahilan ng iba na "papahinga lang ako" eh nauuwi sa "pahinga na lang ako". Yun bang natatapos ang buhay sa pag-aaral tapos ayun na, come what may na lang. Sila yung mga ayaw magtrabaho. Nakahiga lang maghapon na reklamo ng reklamo na walang pera tapos ayaw naman bumangon para maghanap ng trabaho kasi mahirap/hindi matatanggap/malayo/walang pera/puyat/maysakit/walang tao sa bahay/natatae. Madaming dahilan sa buhay. Madaming hang-ups. Akala ata eh habang may magulang eh may suporta. Forever bagets. Inom, tambay, party, ligaw, syota, break, yosi... Paikut-ikot lang sa bisyo't libangan ang buhay. Pero take note na merong mga mayayamang certified tambay. In short, walang silbi sa buhay at dumadagdag lang sa mga nagko-contribute ng carbon dioxide para sa mga halaman at nagpapadami lang sa populasyon ng bansa. Yung gusto may paraan, yung ayaw madaming dahilan.
5. Unemployed
Walang trabaho pero hindi tambay. Teka, pano yun? Sila yung mga walang trabaho pero hindi nakatengga sa bahay. Nasa bahay man eh gumagawa ng paraan para kumita o meron namang silbi sa buhay. Sila yung mga sawi sa paghahanap ng trabaho na kahit anong hanap eh walang makuha o hindi matanggap dahil sa taas na din ng standards ngayong mga panahong to. Isa pa 'tong embodiment ng "kung gusto, may paraan".
6. Married
Oo, kasal. Merong iba na hindi na naghihintay grumaduate para gawin 'to. Meron namang bago pa mag-aral eh kasal na kaya lang talagang kailangan ma-emphasize to. Meron kasing iba na kaya lang talaga nagtapos ng pag-aaral para masabi sa magulang na "May trabaho na ko! Mag-aasawa na ko!" Ayos lang yun lalo na kung 30 years old ka na grumaduate tapos wala ka pa din asawa kaya lang kung medyo bata-bata ka pa eh maghintay ka muna. Ayon nga sa kaibigan ko dati, may tatlong advantage ang pag-aasawa ng maaga: 1) bababa ang tax mo 2) may uutusan ka/mag-aalaga sa yo (lalo na kung ander SIYA sa yo) at 3) bababa ang tax mo. Dapat matuto ka munang maging independent at asikasuhin mo muna ang sarili mo kasi kung sarili mo nga hindi mo maasikaso, pano mo inaasahang asikasuhin ang magiging pamilya mo? Hindi mo kailangang bumuo ng life story na pwedeng gawan ng dramatization sa Maalaala Mo Kaya.
Ngayong taon, ang 200 graduates sa eskwelahan ko eh parte lamang ng libu-libong estudyanteng gagraduate sa buong bayan, sa buong lalawigan, sa buong bansa. Lahat magiging graduate pero hindi lahat kapaki-pakinabang. Lahat magiging graduate pero hindi lahat papalarin. Ang anim na kalalagyan ng mga graduating students na yan eh patikim pa lang. Alam natin pare-pareho na yang anim na yan eh may mga sub-classes pa. Gaano kadami ang magiging employed? Gaano kadami ang magiging unemployed? Gaano kadami ang ikakasal at magkakaron ng magandang buhay? Sino ang papalarin? Sino ang mamalasin? Sino ang magpupursigi? At sino ang walang pakialam?
Graduate ka man o gagraduate pa lang, palagay mo, sino ka ba dapat diyan?































