Yan ay ayon kay Sir Toffer nung isang lecture namin sa Advanced Programming. At yan ang nasa isip ko kanina habang mistulang nakapila na sa dami ng tao na paakyat ng MRT.
Maaga akong gumising. Maaga din akong umalis. 9:00AM dapat nandun na ko. 6:30AM pa lang nakaalis na ko. Papunta ako'ng Ortigas kung saan ako sasailalim sa aking final evaluation para sa aking trabaho. Sasakay ako ng papuntang MRT North Ave station kung saan ako sasakay papuntang MRT Shaw Blvd station at mula dun ay lalakarin ko na hanggang sa pupuntahan ko. Sa unang tingin maaga pa ang 6:30AM pero nung nakita ko yung kapal ng tao sa sidewalk pa lang papuntang MRT station, narealize ko'ng mali yun. MALING-MALI.
Parang pila na ang papunta sa MRT station sa sobrang dami. Dalawang hagdan ang aakyatin bago makarating sa counter para bumili ng ticket. Ang dami-dami-daming tao. Akap ko ang bag ko. Alam ko'ng madaming oportunista sa mundo. Halu-halo ang amoy ng mga tao at sa sobrang pagdidikit niyo, kung nakaputi ka, malamang pagkatapos mo sa pakikipagsiksikan eh mukha ka ng zebra. Ang liliit ng hakbang na pwede mo'ng gawin. Pakiramdam mo tuloy ikaw si Lotus Feets at kung magtatagal ka sa ganung klaseng impyernong siksikan eh malamang maging magkamukha na din kayo ni Lotus Feets..
Matapos ang matagal na lakad, pipila naman para bumili ng ticket para sa MRT. Mahaba yung pila. Nakakabadtrip pero wala naman akong magagawa kundi sumunod. Nagulat na lang ako nang may biglang humawi sa kin papagilid. Hindi ko alam kung hawi ba yun kasi tumalsik ako ng kalahating dipa. Gusto ko sana magalit kaya lang nakita ko'ng matanda. Sumimangot na lang ako at bumalik sa pwesto ko. Tinabig niya yung balikat ko ng balikat niya.
Aba, wrestler ka, lolo??
"Dun po ang pila sa likod." sabi ng babae sa likod ko.
"Nakapila ako." sabi ng matanda na siya pa naiinis, "Kayo ang sumisingit."
"KAMI ANG SUMISINGIT!?" napaangil ako ng walang pigil. Pero ano pa ba ang sense non eh gumawa na siya ng sarili niyang pila at sa kanya na sumunod yung mga tao sa likod. Talaga naman. Pag kaya sinapak ko tong matandang to, makakatulog agad? O pag binayagan ko kaya, kakayanin niya pa sumigaw?
Hindi. Hindi ako pwedeng mabadtrip ng ganito.
Lumipat ako ng pila. Mas maiksi naman eh. Tapos lumipat ako sa mas maiksi pa. Hanggang sa makarating ako sa dulong window. Dun ang pinakamaiksing pila. Dulung-dulo kasi kaya hindi masyadong napapansin, hindi masyadong napipilahan.
Pinanood ko yung babae sa counter. Parang na-time space warp. Ang bagal kumilos. Kada pagkatapos ng isang bibili ng ticket eh titigil siya para sumandal, dumaldal saglit at bumungisngis saka lang tatanungin kung saang station ka bababa. Nung ako na, ganun ang nangyari. Sumandal siya. Nakipagusap sa dumadaang staff. Bumungisngis. Sumandal ulit. Tumingin sa kin.
"Isang Shaw." sabi ko.
Tumingin siya sa kin. Mga three seconds. Pakiramdam ko three years. Inabot niya sa kin ang ticket at saka dahan-dahang inabot ang sukli. Parang sari-sari store lang. Mabilis pa nga ata ang sa sari-sari store. Pinabayaan ko na. Nakabili naman ako ng ticket. Dali-dali ako'ng pumunta sa antayan ng tren. Alam ko'ng jam-packed. Malamang tulakan 'to. Ang tanging pag-asa ko lang para mapadali eh matapat sa kin yung pinto.
Dumaan ang tren. Mabilis. Oops, hindi pa pala yun. Yung kasunod pa.
Dumating ang tren. Bumagal. Huminto. Bumukas ang pinto.
AT NAGUNAW ANG MUNDO.
Yung mga taong hindi gumagalaw kanina, biglang gumalaw na parang si Iron Man. Mabibigat ang hakbang na nagmamadali. Pero expected ko yun. Ang hindi ko inexpect eh biglang humampas ang gilid ng mukha ko sa pader ng MRT.
BLAG!
Aba'y lintek. Ba't ganon!!
Sa gilid ko, isang braso lang ang distansya ko sa pinto pero hindi ako makagalaw. Naipit ang braso ng lalaki sa likuran ko... Naipit sa pagitan ng mga taong walang pakialam na may naipit na. At siya, ginawa niya kong tukuran at kalso. Mukha ba talaga akong railing? Hayup na yan.
"KUYA, SAN KA BA NAIPIT!?" ang malakas kong sigaw pero ang gusto ko'ng sabihin talaga eh, "MAY NAIPIT, MGA BOBO!!" Napatingin yung mga nasa likod ko. Saka lang nila narealize na may naipit pala. Nakawala si kuya. Nakawala ako. Pagpasok ko sa MRT, agad kong hinablot yung manipis na posteng bakal para makakapit ako.
Nung point na yun, pakiramdam ko mulang galit na pusa na ang buhok ko. Nung time na yun, gusto ko nang maging si Medusa. Narealize ko na kahit anong conditioner ang gamitin mo eh hindi pwedeng hindi magulo sa ganong experience dahil kahit alambre ang buhok mo, imposibleng hindi magulo. Malamang kahit barb wire pa ang buhok mo eh hindi nila mapapansing sugat-sugat na pala sila sa sobrang rush at hectic. Kalbo lang ang hindi maba-bad hair day pero kahit sino mababad trip.
Ah, hinde, si Moses pala hindi masyadong problemado. Dagat nga nahahawi eh, mga taong walang disiplina pa kaya?
Nakababa naman ako sa Shaw Blvd ng buo at buhay. Nakalakad ako hanggang sa opisinang pupuntahan ko. Maaga ako ng 5 minutes. Pagdating ko dun, wala yung trainor. Umalis daw saglit. Phew. Ayos na din.
Umalis ako sa bahay ng 6:30AM. Nakarating ako dun ng 8:55AM.
Mahigit dalawang oras na byahe pero pakiramdam ko dalawang taong experience na katumbas ng palabas na Clash of the Titans. Sumandal ako sa couch at dinama ang air con.
IT Instructor ang inaapplyan ko. Destiny ko nga ata ang pagtuturo. IT Instructor din si Sir Toffer at pareho kami ng pananaw.
Kaya ako, dito na lang ako sa Bulacan.































